cerebral palsy
cerebral palsy
kwaho: ang buhay ay isang sugal

Entries for July, 2006

July 13th, 2006

Nandito na naman ako

Posted by kwaho at 12:03 AM on July 13, 2006 in Mga Paglilimi.

Kanina habang hinihintay kong ma-view ko ang webcam ng isang kaibigan sa chat, nakita ko ang Advertisement ng yahoo at ang sabi:

Speak
listen drag drop send share show dump
Y! Messenger with voice

Makikita pa ang cartoon ng dalawang magsing-irog na nag-uusap. Sa telepono sinabi nung isa na "is that it?", tanong na kung ano ba ginawa nya at maghihiwalay sila. Ang tugon ng kanyang katipan ay isinulat daw nya lahat ng mga maling nagawa nya, basahin na lamang nya.

Matagal bago ako nakabawi sa huling pakikipagsapalaran ko. Gaya ng ad ng Yahoo, kahawig nito ang nangyari sa amin ni Chan. Kung gaano kabilis mabuo ang isang relasyon (o inakalang relasyon) ganun din daw kabilis nagbago ang puso kayat piniling tapusin ang lahat.

Wala na ang usapang mukha sa mukha. Wala nang pagkikita at pormal na paghihiwalay. Madadaan naman lahat sa telepono o internet.

Sinubukan ko lahat ng kaya ko upang maibalik ang dati. Ngunit panahon na nagsabi sa akin na ituloy ko na lamang ang dating gawain. Ituring na isang aral, na may mga taong tulad nya. Hindi ko man maintindihan kung bakit, ang tanging tiyak ay mayroon syang dahilan.

At may dahilan din ako upang bumawi muli. Madami pang mangyayari. Kasama sya o hindi, tuloy pa rin ang buhay.

Kaya nga heto muli ay nasa harap ako ng computer. Binubuksang muli ang pusong sandaling napinid.

7 ang sumugal

Huwag Kang Duwag

Posted by kwaho at 12:26 AM on July 13, 2006 in Mga Tula Ko.

Huwag Kang Duwag
Edwin Padillo
Para kang batang nagtatago ng laruan
sa tokador ng iyong ina.

Mga nagalusan mong trak-trakan
na pangakong binitawan sa kasintahan,
at buhol-buhol mong yoyo
ng paulit-ulit mong pag-oo.
     (hindi naman pala ang sagot)

Pilit mong itinago lahat.
Inakalang sa pagsasara
ay malilimot
at mawawala
lahat ng pangamba.

Para kang batang tahimik na tahimik,
walang imik sa tuwing may maling nagawa.

sa tuwing wala kang maisagot
sa patintero ng kasinungalingan
at katotohanan. Kunwa'y wala kang alam
para lamang mabalam ang hinanakit.
     (taktika mong hit na hit)

hanggang makatulugan
ng iyong ginulangan
ang paghikbi ng mga sakit
sa paulit-ulit mong pag-iwas.

Darating ang araw, ikaw naman ang iiyak
at wala nang inang maghahanap
ng iyong trak.

Deal a Card

July 14th, 2006

Ganun Pa Rin

Posted by kwaho at 04:13 AM on July 14, 2006 in Mga Tula Ko.

Ganun Pa Rin
Edwin Padillo
Ilang ulit nang naipit
sa pilapil si Pilar
at ilang ulit
naring nilingkis
ng hapdi,
puso n'yang banal.

Inulit-ulit na inikot
ang lumang eskinita
na sa bawat lalandas,
lalamunin ng tuwa,
lulunurin ng luha.

Ngunit hindi madadala
si Pilar.

Paulit-ulit lamang
ang larong
buhay ang itinataya.
paulit-ulit lamang
na puso ang nagpapasya.
mabigo man o manalo
sa laro ng lansangang
liko nang liko.

Hindi kailanman madadala
ang puso.

2 ang sumugal

July 17th, 2006

Isang Hiling ng Paghilom

Posted by kwaho at 02:28 AM on July 17, 2006 in Mga Tula Ko.

 Isang Hiling ng Paghilom
                                 (Para kay Joseph D.)
Edwin Padillo

Hiniling mong hipan
ko ang paso sa 'yong puso
habang hinuhubad
mo ang natitirang saplot
ng aking bisig
na pinunit
na ng ilang ulit
na manghihiling.

Hiniling mong gamutin
ko ang sugat ng iyong puso
habang malaya
mong iniinom ang luha
kong pampaalis ng kirot,
pampaligaya sa naghahanap
ng saya kahit minsanan lamang.

Hiniling kong hubarin
mo ang iyong saplot
at iluha ang lahat ng pait
upang mabilis na humilom
ang paso,
ang sugat
at ibahagi sa akin
ang iyong kabuuan.

Hirap kang magpaubaya.
Nais ko ring hubdan ka,
nais ko ring hipan mo
ang puso kong naghihingalo.

malalaman mong maiibsan
lamang ang karamdaman
kung ipagkakatiwala
at huhubdan mo rin
ang iyong kaluluwa
sa taong hinilingan
mo nang pagkalinga.

8 ang sumugal