Entries for February, 2006
February 3rd, 2006
Kung Hei Fat Choi (late na)
Posted by kwaho at 07:10 AM on February 3, 2006 in Mga Paglilimi.
Matagal ko nang pinlano na magpalit ng wikang ginagamit sa aking blog hindi para maging sosyal kundi mabasa ng mga kaibigan kong hindi Pinoy. Pero hanggang ngayon hindi parin ako komportable o confident sumulat sa wikang Inggles. Gaya ng hindi ko pagiging confident sa mga tula ko, sa pag-awit ko, sa pagho-host ko siguro sa lahat yata ng bagay. Hindi naman ako mahiyain. Duwag lang siguro ako.
Anyway, bagong taon na ngayon lang ako nagkaroon ng panahon upang magsulat ng panibagong entry sa blog ko. Bukod sa mga plugging ng dalawang hinahangaan kong singers, si Jed Madela at si Reuben Laurente. Sa bagong taong ito, ito sana ang mga hangad kong mangyari;
1. Magtagal pa kami ni panget.
2. Matutuhan kong maging matapang sa lahat ng bagay. Ang umawit, magsulat, ang mag-isa sa buhay, kasama na pati ang pagharap sa kamatayan.
3. Magkaroon pa ng apoy sa pagsusulat ng maraming tula. Lagi kong iniisip hindi ako mabubuhay habambuhay pero mga tula ko kakayanin nila yun.
4. Maka-ipon.
5. Makapunta sa Japan upang bisitahin ang aking ina. H'wag nawa sya muna umalis, hintayin nya ako.
6. Subukang sumulat sa ibang wika.
7. Ipagpatuloy ang pag-aaral ng Dutch at Thai (siguro pati Nippongo a sign language).
8. Ma-publish.
9. Makapunta ng Netherlands o Slovenia (kung talagang pagsisipagan ko)
10. Makita si Arthur ulit.
Sige susubukan kong gumawa ng entry sa wikang Inggles. Abangan nyo.
February 10th, 2006
Dark Throne
Posted by kwaho at 01:18 AM on February 10, 2006 in Mga Plugging.
Nakita ko to sa blog ni Kuya Kris kaya na addict din ako

Kung trip mo ring maglaro CLICK HERE.
February 16th, 2006
Tula Para sa Araw ng mga Puso
Posted by kwaho at 11:11 PM on February 16, 2006 in Mga Tula Ko.
Medyo huli na pero angkop parin. Sana maibigan ninyo.
SAKSI
Edwin Padillo
'Your life will not go unnoticed because I will notice it.
Your life will not go un-witnessed because I will be your witness'
Susan Sarandon sa pelikulang Shall We Dance
Kulang ang takipsilim
kung walang dalampasigang
hahanga sa gintong pamamaalam
at luwalhati ng araw.
Kulang ang ulan
kung walang lupang hahagkan
at kukumutan ng walang maliw,
yayakapin ang ginigiliw.
Kulang ang awit ng hangin
kung walang mga halamang
sasayaw at hihimig
sa paglalakbay at pagbabalik.
Kulang ang mangingibig
kung mabubulag mag-isa
at ang tanging halaga
ay may umalalay sa kanya.
Kulang ang kamatayan
kung ang buhay na 'tinakda
ay walang nakakita,
sinaksihan at ikinamangha.
February 18th, 2006
2 Tula sa Pagcha-chat
Posted by kwaho at 03:14 AM on February 18, 2006 in Mga Tula Ko.
Cam2Cam
Edwin Padillo
Isa kang tukso sa bintana.
Mga ngiting 'sing puti ng alapaap
nagaanyaya ng paglingap
sa kaululuwang naghahanap
ng ligayang hubad.
Buong pagyayabang na ipinapakita
ang matitigas na dibdib,
ang pangakong sandalan
mula sa aking kapaguran.
At ipinababagtas ang landas
patungo sa ilahas ng iyong tiyan.
pababa sa ahas na matamis
ang 'tinatagong kamandag.
Aakitin mo ako gamit ang bintana.
naririto ang iyong kagandahang
pansamantala, hahaplusin ng tingin
ang iyong labi, ang iyong dibdib.
Lalaruin sa isip kung paano
babagtasin ang landasin
at titikman ang tamis
ng kamandag na di nakamamatay.
Tukso kang walang panganib.
Ngunit may sugat na maliit
ang maiiwan sa puso kong
naghahanap, maghahanap parin.
Laro
Edwin Padillo
Nakakabaliw ang isiping
nasa malayo ka't ako
ay narito. Sa dalampasigang
hindi mo pa natutunton
at ang pangaraping
sa isang pagbubukangliwayway
mabubuhay ang hiling
na ika'y makalaro.
Ngunit ang larong
iyong nilulukso
sa banyagang dako'y
di ko kailanman
matututuhan. maghagis man
ng bato, bumilang ng tatlo,
humiling ng humiling,
walang matatanto ang puso.
Ihatid ko man ang puso
sa iyo at ialay ang mundo
bagtasin ang landas
patungo sa iyo.
kailangan kong mag-iwan
kahit isang pamato
upang sa pagbabalik
may babalikan ako.
February 19th, 2006
Reuben Laurente's Gigs
Posted by kwaho at 05:13 PM on February 19, 2006 in Mga Plugging.
February 18 and 19 - CELEBRITY MINUTES
96.3 WROCK * Every hour segement from 7AM to 7PM
February 18 - Judge @ SHOW KO! Pasiklaban Ng Bayan
12:30 PM • QTV 11 • Hosted by Ethel Booba
February 26 - Jesus Is Lord
--~*~--
March 5 - United Church of the Good Shepherd
# 72 I. Lopez Street , Mandaluyong City
"LANGIT" Mall Shows @ Robinson's
March 18 • 4 PM • Los Baños, Laguna
March 19 • 4 PM • Pioneer, Mandaluyong
March 24 • 4 PM • MetroEast, Cainta
March 25 • 4 PM • Dasmariñas, Cavite
April 1 • 4 PM • Novaliches
March 21 and 28 - CALESA BAR
Tuesdays • 9pm • Calesa Bar, Hyatt Regency Hotel Manila
March 23 - GCF Makati Fellowship
6:30pm • Makati Sports Club
CALESA BAR SERIES - APRIL 4, 11, 18 and 25
Tuesdays • 9pm
Calesa Bar, Hyatt Regency Hotel Manila
"SOLO" - Merk's Bar Bistro Series
9pm • April 2006
Level 3 Greenbelt 3, Ayala Center, Makati
February 24th, 2006
Hindi ako AMA
Posted by kwaho at 01:27 AM on February 24, 2006 in Mga Paglilimi.
Nainis na naman ako sa 'yo. Sa mga pananalita mong hindi mo pinag-iisipan bago lumabas sa 'yong bibig. Mag-iisang linggo na nating inaalagaan ang anak mo at wala naman akong reklamo ni katiting dahil bukod sa kasama kita, may oras ka pa para sa anak mo. At kahit ano pa man ang mawala sa akin at maibigay ko, lahat naman 'yon ginusto ko, wag kang mag-alala wala akong isusumbat.
Kanina sabi mo, may lagnat pa sya. HInipo ko at sa tingin ko naman wala na. Dahil regular naman ang pagpapa-inom natin ng gamot. Baka kako nananaginip lang. At sabi mo, "mainit sya, kilala ko ang ANAK ko!"
Naiinis ako, kasi tama ka. Anak mo sya, at hindi akin. Pamilya kayo, kami hindi. Isa lang ang natutuhan ko ngayong gabi. Bakit ko ba ginagawa ang mga bagay na para sa kapamilya. Para sa ama at anak. Bakit inaalagaan ko ang mga taong hindi ko kaano-ano. O kaya kamag-anakan kong hindi naman malalapit sa akin. Bakit?
Natutuhan ko na kahit kasing laki ng mundo ang utang na loob sa iyo ng tao, ngunit hindi mo naman s'ya kadugo, kapamilya. Balewala lahat ng iyon. Hindi ka parin kasama sa loob ng sirkulo ng pagmamahalang nakapaloob lamang sa tinatawag na pamilya.
Siguro, tulad ng maraming taong nagnanais magkaroon ng sariling pamilya. Ginagawa ko ang mga bagay na alam kong gusto kong gawin at bukal sa loob ngunit naubusan o nawalan ng pagkakataong mapatunayan iyon sa pagkakaroon ng sariling pamilya. Marami akong kilalang babae na magaling mag-alaga ng mga bata. Mahilig sa mga bata. Ngunit hindi man lamang mabiyayaan ng sariling anak. Marami akong kilalang walang k'wentang tao ngunit isang dosena ang supling na tumitingala sa kanila at tinatawag silang ama.
Naiinis ako dahil siguro kahit anong gawin kong pag-aalaga sa kanya, paglalambing, at pag-aasikaso, mananatili s'yang anak mo at hindi sa akin. Siguro nalulungkot akong tanggapin ang katotohanang wala akong pamilya, wala akong sariling anak. At kahit ilang pamangkin, inaanak o kamag-anak ang alagaan ko, hindi parin ako kapamilya dahil hindi ako ang AMA.