cerebral palsy
cerebral palsy
kwaho: ang buhay ay isang sugal

Entries for October, 2005

October 3rd, 2005

Makata kontribyutor na ako

Posted by kwaho at 04:58 PM on October 3, 2005 in Mga Paglilimi.

Hindi pa ako nagsa-submit ng mga gawa ko sa alin mang publikasyon, dahil maraming dahilan.

Hindi parin ako bilib sa sarili kong mga gawa ahehehe. Pero masaya ako dahil nasama sa bagong tomo ng Makata ang aking mga tula. Masarap pala ang feeling kapag naisasama ang iyong mga tula sa mga ganitong lathalain.

Click mo lang itong link para makita ang bagong volume ng Makata.

http://www.dalityapi.com/makata/

1 ang sumugal

October 8th, 2005

3 Tula ng Pag-ibig

Posted by kwaho at 05:52 PM on October 8, 2005 in Mga Tula Ko.

PINAGLALARUAN
para kay AMO
Edwin Padillo

Minsan ang pag-ibig
ay isang bolang
ating pinaglalaruan
nuong tayo'y maliliit
itatapon sa kawalan
matapang na itataya
sa iniamang na landas
at sasaluhin ng kalaro
upang ibalik muli sa iyo.

Kung minsan lumalagpas,
nabibitawan, gumugulong
papalayo, sa damuhan,
sa kanal ng pagkabigo.
Ipaglalaban ng kalaro,
hahabulin, ibabalik muli sa iyo.

Kung minsan naman bulag
tayong inihahagis ang bola
sa isang pader, kalarong walang
damdaming magbabalik sa iyo
ng iyong bola sa walang
tamang direksyon. Matapos
ihagis bato paring nakatindig
tinatanaw ang puso mong gumulong
gulong sa kung saan.

At maliligaw ang bolang hindi na hinanap.


KABIT
Edwin Padillo

Nakikabit na naman ako ng kuryente sa kapitbahay. Naputulan kasi ako, matagal na,
at madalas din naman akong nangangapit-bahay. Nakikisaksak, nakiki-amot ng kuryente.

Kung minsan sandali lang, minsan tumatagal ngunit hindi permanente.
S'yempre hindi libre, nagbabayad din ako. Madalas kapag sawa na ang kapit-bahay, naiiwan ako sa dilim mag-isa.

May pagkakataong kailangan kong maki-amot talaga parang may rasyon ng kuryente
dahil may kahati ako sa kuryente ng kapitbahay. Minsan pa nga patakas, patago.

Mayroon namang ibang kapitbahay na sa akin lamang talaga nilalaan ang kuryente.
Kung minsan din sila na ang nag-aalok. Minsan, ako ang umaayaw. Hindi kakayanin ng aking appliances.

Bakit kasi hindi ko pa daw ipagawa ang sariling kuntador. O magbayad daw kasi ako sa Meralco.
Kahit wala akong utang? Kahit wala naman talaga akong bahay?

Kapag natagpuan ko ang sariling kuryente sa puso ko,
marahil hindi na ako makikisaksak pang muli.

 

LIBOG
Edwin Padillo
 
Libog ang pagkauhaw sa dugo
ng isang ligaw na bampira.
Nag-ugat sa pag-ibig na banal
pinaslang ng pusong gahaman.
Sumisidhi sa muling pagkabuhay
ng pusong nilisanan na ng tibok.
Itama man sa ibang gawi
ibaling ang uhaw sa mga hayop na munti
(tulad ng mga panakaw na pasasariling sikap.)
Hindi maiibsan ang uhaw, magkakasalang muli.

Libog ang pagkahayok sa laman
ng isang manananggal ng lakas.
Sinimulan sa pagsintang binasag,
tinarak sa tiyan, upang mawala
ang punlang 'binunga rin ng urag.
Maliligaw sa mga karinderya
sasagpangin ang mga biktimang
nais mabiktima sa tamis ng laman.
(makita lamang ang napakagandang manananggal.)
Sisihin mo man, lahat sila'y may dahilan.

At libog ang pagnanasang makatakas
ng isang lobong nilinlang ng landas.
Pabalik sa dating dampang dinulugan
matatantong wala na palang babalikan
pagka't mga anak ay naging bampirang
nilisan na ng pintig, at asawang
naging mangwawasak ng lakas.

Deal a Card

October 19th, 2005

MODEL AKO!

Posted by kwaho at 11:49 PM on October 19, 2005.

ANGAL KA????

Deal a Card

October 30th, 2005

Tula para sa araw ng mga Patay!

Posted by kwaho at 12:07 AM on October 30, 2005 in Mga Tula Ko.

KAMATAYAN

Hindi na bago ang pakiramdam
sa tuwing iisipin ang patutunguhan.
Bumabalik ang lahat ng takot.

Sa t'wing mawawala
ang aking pambura
o lapis, o pantasa.

at hahagilapin ni ama.
upang makihiram,
mga bagong gamit, nawawala.

'yung pakiramdam
mula sa panahong batid
mong may nawawala

hanggang sa panahong
hahanapin ni ama
at ang parusa

kapag ang hanap ay wala
parusang alam mong
masakit at 'di matatakasan

Hindi na bago ang pakiramdam
sa tuwing iisiping sa katapusan
sa malao't mabilisan

Lahat tayo'y makikiusap
sa ama, na huwag na muna
huwag na sana muna.

3 ang sumugal