2 Tula
Posted by kwaho at 08:09 PM on August 4, 2005 in Mga Paglilimi.
BAGYO
Edwin Padillo
Sa isang kisapmata
ipinapasilip ng langit
ang palad niya; kidlat
ang mga guhit nitong walang tiyak
na bukas. Tila maraming
magaganap ngunit
iisa lamang ang nagbabadya
Sana huwag bumaha
habang pinipiga
ng langit ang ulap nyang
matagal nang nais lumuha.
SUNOG
Edwin Padillo
Nasunog ko ang sinaing kanina.
At hinugasan bigla
ang diwa pabalik
sa kamangmangan.
Nasunog ko ang sinaing
habang bilanggong nakatanghod
Sa bintana ng kapitbahay
na may kayang bumili ng TV.
Nasa labas ako ngunit
kulungan ang naging mundo
Nang inihain ni ina kinagabihan
ang nasunog na sinaing
sa akin.
Sa akin lamang.
Kaparusahan
Sa kapangahasang
umamot ng kaunting
kaning tama sa luto.
Sa bintana ng kapitbahay
Mamaya
muli akong kakain
ng sunog.
Nasunog ko ang sinaing kanina.
At hinugasan bigla
ang diwa pabalik
sa kamangmangan.
Nasunog ko ang sinaing
habang bilanggong nakatanghod
Sa bintana ng kapitbahay
na may kayang bumili ng TV.
Nasa labas ako ngunit
kulungan ang naging mundo
Nang inihain ni ina kinagabihan
ang nasunog na sinaing
sa akin.
Sa akin lamang.
Kaparusahan
Sa kapangahasang
umamot ng kaunting
kaning tama sa luto.
Sa bintana ng kapitbahay
Mamaya
muli akong kakain
ng sunog.