WALANG MUG DITO
Posted by kwaho at 05:31 PM on March 21, 2005 as a favorite post.
May "fixation" ako sa coffe mugs. Mga tatlong pasko na yata 'yun nung mag regalo ako ng puro mugs sa mga kaibigan ko. Bukod sa mura na magagamit pa nila. Nais ko ring mangolekta ng mugs pero wala pa akong ganang sundin ang kapritso ko. Ngunit sa pagdaan ng panahon napupuna ko na dumarami ang mga cofeemugs ko. May hugis at kulay paso na binigay sa akin ng kasamahan ko sa SkyCable nuon, may isang souvenir mug na galing sa isang Expo Event na ginawa namin sa Megamall, may isang pabilog na tasang bigay ng isang matandang kasamahan sa trabaho. Lahat may kuwento, lahat importante sa akin. Lahat may kahulugan.
Pagdating ko dito sa Banglamung, naghanap ako ng tindahan ng mga baso, upang maghanap ng mug na gagamitin ko tuwing umaga sa pag-inom ng Nesvita (plugging) at syempre tsaa. Wala akong nakita kundi maliliit na tasang pang-tsaa. Ang lungkot ko, hindi ko mainom ang dala kong Nesvita.
Naalala ko may isinulat akong tula tungkol sa mug sa tabi ng aking computer, eto sya:
Mug Sa Tabi Ng Computer
ni Edwin Padillo
Tulad mo
ako,
pinupuno ng mga matatamis
na ala-ala
ng pagsuyo
ng pangako
ng tubig na kahit
salat sa tamis ay sapat
upang malunod ang
isang isdang
hindi marunong lumangoy.
Sa una'y mainit,
ibat-iba ang anyo
Kape
Tsaa
Salabat.
Tulad ng panahon
at lamig ng aircon
nawawala ang init,
naglalaho ang
pangako
ang lasa
Tulad mo,
ako,
Kapag nakalimutang
inumin, pansinin
maaalala lamang
kapag limot na ng panahon
at itatapon lahat
ng tubig
ng pangarap
ng pag-asa.
Upang lagyan muli
ng panibagong laman
Tsokolate kaya?
Hindi lang malungkot dito dahil hindi ako makainom ng paborito kong inumin tuwing umaga. Narealize ko, kasabay pala ng paglago ng tao ang kalungkutan. Sa bawat tagumpay na nakakamtan may kapalit na kasing halaga ng ninais na tagumpay.
Si A ang dahilan kung bakit ako narito, siya rin ang nagbigay buhay sa akin sa loob ng dalawang taon. Kahit pilitin kong ibaling sa iba ang aking atensyon, s'ya pa rin ng ninanais ko. Ngunit matagal ko naring tinanggap na hindi kami para sa isa't-isa. May asawa't anak na s'ya kaya naging matalik kaming magkaibigan. S'ya ang nagbigay lakas sa akin. S'ya ang unang taong naging tapat at naging tagahanaga ko. Dahil sa kanya nagkaroon ng dahilan lahat ng ginagawa ko.
Ngunit kasabay ng pagkamit ko ng tagumpay na ito. Ng isang trabahong marami ang naghahangad, at ng kaginhawaang hatid nito sa susunod na taon para sa akin ay may kapalit. Wala na ang dati naming matatamis na kulitan. Wala na ang <i>personal calls</i> at kamustahan bagkus napalitan na ng mga Weekly Reports at Sales Instructions. Hindi ko namalayang, ang dating personal at malalim na relasyong higit pa sa magkasintahan ay napalitan na propesyonalismo at malamig na kamustahan. Ang mga yakap at halik ay napalitan na ng handshakes. Mga I love you's na napalitan na ng Sawasdee krap!
Mag-iisang taon na mula ng tinanggap ko ang katotohang hahantong sa ganito ang lahat sa pagitan namin. Ngunit ngayon ko lamang naramdaman lahat. Parang binuhusan ako ng malamig na tubig dahil ngayon itinapon ko na lahat ng laman ng pinakamamahal kong mug. Ang laman nitong nilamig na ng paglimot. Nagsimula sa init, sa nakakadarang na halik. Sa walang hanggang tawagan, sa isang pangakong habang panahon. Paulit-ulit lamang pala, nilalagyan, pinupuno, pinaaasa, binibigo, tinatapon, nagigising, mangangarap muli, mapupunong muli. Ngunit ngayon ubos na ako, naghihintay na lamang mapunong muli.
Walang mug dito, sa Pilipinas mayroon!